Wednesday, October 14, 2009

Ang mapaminsalang bagyong Ondoy







Isang napakalaking suliranin ang pagdating ng bagyong Ondoy sa ating buhay. Marami itong nawasak na pangkabuhayan at mga tahanan. Marami ang nawalan ng mga minamahal sa buhay at hindi malaman kung paano pa haharapin ang bukas na wala na ang dahilan kung bakit sila naririto. Masakit makita na ang mga kababayan mo ay hirap na nga dati ay mas lalo pang hirap ngayon. Malaki ang pinsala na nagawa sa atin ng bagyong ito. Marami ang nalubog sa tubig baha at hanggang ngayon ay hindi pa din humuhupa dahil sa walang tigil na pag-ulan. Ngunit kung inyong mapapansin ay sa mga tulad ng ganitong krisis ay nakikita natin ang matatawag nating isang Pilipinong ugali at iyon ay ang bayanihan. Kahit na hirap at pagod na pagod ay hindi tumitigil sa pagtulong ang ilan nating mga kababayan. Ang iba ay nagbubuwis pa ng buhay para lamang maisalba o mailigtas ang kanilang kapwa. Mas higit nilang iniisip ang kapakanan ng iba kesa sa kanilang sariling buhay. Marahil ang iba ay hindi inasahan ang ganitong kalakas na bagyo kaya’t hindi sila nakapaghanda at ikinagulat na lamang ang mga nangyayari sa kanilang lugar. Karamihan ay naistranded pa sa kanilang mga bahay kaya’t nanatili sa kanilang mga bubong upang makaligtas at makaiwas sa sobrang taas at rumaragasang tubig. Ang iba ay maaga ng nakalikas sa mas mataas na lugar at pilit na isinalba ang kanilang kagamitan. Ang ibang inabutan naman sa kalsada ay hirap na makauwi dahil sa limitadong transportasyon at sobrang delikado na para sa lahat. Nang medyo bumuti na ang panahon marami ang inilikas sa evacuation centers para makapagpahinga at mabigyan ng pansamantalang tulong. Ang iba namang naistranded ay tiniis ang pagkagutom dahil wala naman silang magagawa dahil hindi sila makalabas ng kanilang bahay dahil sa taas ng baha, nagiintay na lamang sila na maabutan ng tulong o relief goods. Ang masama nga lang ay hindi lamang pagkain ang kulang kundi gamot na din, marami na kasi ang nagkakasakit dahil sa sobrang pagkagutom at dumi ng tubig na kanilang nilusong. Nagtulong-tulong naman ang karamihan upang magkaroon ng sapat na pera upang makabili ng mga kakailanganin ng ating mga kababayan. Apektado din kasi ang pag-aaral ng mga estudyante dahil karamihan sa mga ginawang evacuation centers ay mga eskwelahan. Sa sobrang dami ng tao roon hindi din maiwasan na maimbak doon ang lahat ng basura o kalat ng mga tao, lalo tuloy nakadagdag sa problema iyon pati na din ang mga supply ng malinis na tubig inumin at mga pang-personal na kagamitan. Pilit naman itong sinusulusyonan pansamantala ng ating pamahalaan. Nagsasagawa naman sila ng mga rescue operations para dun sa mga nangangailangan, kahit hirap ang mga rescuers hindi nila iyon iniinda basta matulungan nila ang kanilang kababayan. Marami ang nasawi sa trahedyang ito, wala naman tayong magagawa kundi ipagdasal na sana ay maayos din ang lahat at manumbalik din sa normal ang lahat. Ang iba ay wala na halos babalikan sa kanilang tahanan dahil wasak na wasak na talaga pero ginagawa nila ang lahat para makabangon muli. Kinukuha nila ang mga gamit na pwede pang magamit at tsaka gagawa ng paraan para maging pansamantala nila itong tirahan. Ngayon natin makikita ang diskarte ng mga Pinoy pagdating sa ganitong kalunos-lunos na pangyayari. Mahirap at masakit man ngunit naniniwala tayong may bagong umaga din na darating at malalagpasan din natin itong lahat. Pagsubok lamang yan upang mas lalo tayong maging matatag sa buhay. Ang nakakatuwa lang, kahit na heto tayo balot sa takot at kawalan ng pagasa ay may lakas pa din upang manalangin at magtulong-tulong. Marahil isa itong leksyon sa atin ng Diyos upang mas lalo pa nating mahalin ang ating kalikasan at wag umabuso sa ano mang meron ang ating kapaligiran. Dapat na tayong mamulat sa mga maling ginagawa natin at gawin natin itong tama at may kabuluhan, tulad na lamang sa simpleng pagtatanim at pagtigil sa pagputol ng mga puno ay maganda ng paraan para maiwasan na maulit na naman ang ganitong trahedya. Kailangan natin kumilos dahil tayo din naman ang mahihirapan kapag pinagsawalangbahala natin ang ganitong bagay. Hindi biro ang bagyong Ondoy dahil sa pinsalang idinulot nito sa ating buhay. Sana ay natuto na tayo sa aral na ito ng Diyos sa atin na dapat nating mahalin at alagaan ang ating kalikasan dahil ito ay ating yaman. Kagagawan din natin ito kung bakit tayo binabaha, dahil sa tinatambak nating basura, sa polusyon na gawa ng mga sasakyan at pabrika at ang walang habas na pagpuputol ng puno. Kailangan na ng tulong ng ating inang kalikasan.


Sa muling pagbukas ng bagong umaga, sikapin nating ibalik ang ngiti sa ating mga mukha at kalimutan ang masaklap na pangyayaring iyon at ibaon sa limot ang lahat. Panibagong umaga, Panibagong pagasa.